Nasa loob ng Operating Room si Darwin. Napakabagal ng mga sandali habang naghihintay sa labas sina Alvin at Mimi. Tahimik sila. Batbat ng magkakahalong emosyon – shock, takot, pangamba.
Pagkaraan ng halos tatlong oras, bumukas ang pinto ng Operating Room. Kaagad na sinalubong nina Alvin at Mimi ang doktor. Nagtatanong ang kanilang mga mata.
Makulimlim ang mukha ng doktor na humarap sa kanila. “I’m sorry…” ang sabi.
Nayanig sila sa mga sumunod pang narinig. Nagsikip ang dibdib ni Alvin. Nanlambot ang kanyang mga tuhod. Napakapit siya nang mahigpit kay Mimi.
Nagsimula siyang umiyak. Niyakap siya ni Mimi.
“Oh my God. Oh my God,” ang paulit-ulit niyang usal.
***
Mula sa glass window ng ICU ay pinagmasdan ni Alvin si Vincent.
Nakalulunos ang ayos nito. Balot ng benda ang ulo. Naka-oxygen at nakakabit sa aparato. Walang malay at under observation pa dahil grabe ang mga pinsalang tinamo.
Dumaloy ang mga luha ni Alvin. Parang dinudurog ang kanyang puso.
“Lumaban ka, Vincent. Lumaban ka,” ang bulong niya.
Kung maaari niya nga lang hawakan at hagkan ang kamay nito.
***
“All I wanted is to love and be loved,” ang sabi niya kay Mimi. Nasa isang coffee shop sila sa may tabing dagat habang papalubog ang araw. “Bakit kailangang maging napaka-kumplikado ng pag-ibig?”
Nakikinig lang si Mimi. Alam niyang bottled-up na ang mga emosyon sa dibdib ni Alvin kaya hinayaan niya itong maglabas ng saloobin.
“Bakit kailangang mangyari ito?” ang tanong pa ni Alvin.
Bumuntonghininga si Mimi. “Hindi kita sasagutin ng cliché na may purpose ang bawat pangyayari sa buhay ng tao. Dahil maaaring wala. Pang-asar lang. Mapagbiro ang tadhana at gusto lang tayong gawing miserable. Pero bakit natin papayagan iyon? We only become miserable if we allow ourselves to be. Bakit ko hahayaang maging biktima ako ng putang-inang tadhana? Gawin niya na ang lahat ng gusto niya. Patayin niya na ako. Lalaban pa rin ako at hindi magpapatalo.”
“I actually feel defeated right now. Parang wala na akong lakas lumaban.”
“Alam mo kung bakit? Dahil ayaw mong tanggapin ang mga nangyari. Bakit hindi mo harapin ang biro ng tadhana. Pagtawanan mo kasi biro nga.”
“Hindi nakakatawa ang biro sa akin ng tadhana.”
“Pero wala kang choice. Hindi mo kontrolado ang mga pangyayari. Kung hindi mo pagtatawanan, talo ka. Hindi pwedeng maloka ka na lang forever dahil kapag nagkaganon, ikaw na mismo ang magiging biro. Alam mo, Alvin, marami na rin naman akong mga pinagdaanan pero heto, alive and kicking pa rin ako dahil sa bawat pagsubok na dumating sa buhay ko, lumalaban ako.”
“I wish I could be as strong as you.”
“Maaari kang maging strong. At magsisimula ang lahat sa acceptance.”
“Pero parang nawasak na ang mga pangarap ko sa buhay.”
“Kapag nagkaroon ka na ng acceptance, magagawa mo nang buuin muli ang mga nawasak sa iyong buhay. Maaari mo nang buuin pati ang iyong sarili.”
***
Pagkalipas ng ilang araw, idineklara nang out-of-danger si Vincent. Inilipat na ito sa isang private room. Nababalutan pa rin ng benda ang ulo at naka-cast ang leeg at braso. Naka-oxygen at naka-dextrose. Unconscious pa rin dahil sa epekto ng mga gamot.
Lumapit si Alvin. Naupo siya sa tabi ng kama. Hinawakan niya ang kamay ni Vincent. Pinagmasdan niya ang mukha nito. Nanumbalik sa kanyang alaala ang masasaya nilang sandali. Mahal na mahal niya pa rin ito subalit nakapagpasya na siya.
Idinikit niya ang kamay ni Vincent sa pisngi niya. Umiyak siya nang umiyak hanggang sa masaid ang kanyang mga luha.
“Goodbye, Vincent,” ang usal niya.
Hinagkan niya ito sa huling pagkakataon bago siya lumabas ng silid.
***
Panahon ng taglagas. Nagkalat ang mga tuyong dahon sa park. Malamig ang simoy ng hangin na tila hihip ng pamamaalam.
Mula sa malayo, tinatanaw ni Alvin ang imahe ng dalawang nilalang na pilit ibinabangon ang mga sarili at humaharap sa bagong simula. Dalawang nilalang na nakakapit pa rin sa pag-ibig at humuhugot ng lakas sa isa’t isa.
Tulak-tulak ni Vincent ang wheelchair ni Darwin na nakukumutan ang ibabang bahagi ng katawan upang itago ang kawalan na nito ng mga binti.
Sinadya ni Alvin na magkubli. Ang balak niya sana ay magpapaalam siya subalit minabuti niyang huwag nang balikan pa ang mga mapapait na pinagdaanan nila. Sapat nang makita niyang masaya ang dalawa.
Bukas ay nakatakda na siyang mangibang-bansa upang harapin din ang bago niyang simula.
May kirot man sa kanyang puso, may kapanatagan naman sa kanyang kalooban dahil natanggap niya na ang lahat. Naroroon pa rin ang kanyang pag-ibig subalit hindi na iyon makasarili kundi mapang-unawa na at mapagparaya.
Tumalikod siya at humakbang palayo.
Umihip ang hangin at itinaboy ang mga tuyong dahon sa daanan niya.
Tiningala niya ang mga puno. Nahuhubdan man ang mga sanga nito ngayon, alam niya na muli itong sisibol sa pagpapalit ng panahon.
-=WAKAS=-
No comments:
Post a Comment